a

The Truth About Accountability

Blog image of AKP_The Truth About Accountability
The road to our ideal nation is long, rough, and narrow. The question is: are we willing to commit?
October 1, 2025
AI image of a beggar_the truth about accountability blog.png

AI image generated via Nano-Banana.

Nakita ko ulit ‘yung lalaking pulubi sa terminal ng dyip sa amin.

Senior citizen siya. Palagi niyang dala ang ID niya kapat namamalimos.

Mula sa dyip na sinasakyan ko, nakita ko siyang nakaupo. Nagpapahinga siguro. Pagkatapos, mamamalimos ulit.

‘Yung utak ko ang hindi nagpahinga sa dami nang inisip.

Katulad ng:

  • Senior citizen na siya. Bakit kailangan niya pang mamalimos?
  • Kung may senior citizen’s ID siya, bakit hindi siya humingi ng tulong sa social services ng barangay nila?
  • Ang taong ito, nabubuhay “by the day”. Kung may magbigay, okay. Kung wala, matutulog nang kumakalam ang tiyan.
  • Samantalang ang iba, hanggang sa mga susunod na henerasyon, wala nang poproblemahin dahil sa pera nilang galing sa masama.
  • Bakit hindi siya pinangangalagaan ng gobyerno?
  • Kagagaling ko lang sa isang first-world country (oy hindi galing sa flood control ang gastos ko ha.) Bakit third world pa din tayo?

Hanggang nakita kong may lumapit sa kanyang babae na may dalang pagkain.

Ibinigay ng babae sa pulubi ang pagkaing dala nila.

Sa una, naga-alangan pang kunin ng pulubi ang pagkain. Pero sa huli, kinuha niya ito. Nagpasalamat siya sa babae.

Umalis ang babae nang nakangiti at sumakay sa dyip.

Nakita mo ba?

Ako, ang dami kong inisip. At sa mga inisip ko, ang dami kong sinisi, maliban sa sarili ko.

‘Yung babae nagbigay. Maaaring may sinisisi din siyang iba. Pero kumilos siya. Inisip ang iba.

Kung talagang may pananagutan tayo sa isa’t isa, pwedeng iba ang buhay ng bawat isa sa atin. Kasama ang pulubi.

Ibig sabihin, kung hindi sinimulan ang pagnanakaw sa maliit na bagay, sa “isang beses lang”, hindi magpapatuloy. Hindi magiging trilyon.

Kung meron tayong integridad, pamatanyan ng tama o mali, at may takot sa Diyos, kahit walang nakatingin, gagawin kung ano ang nararapat.

Matagal na akong buhay sa mundong ito para masabi kong marami na kong nakita (at naging bahagi ng) mga malaking pagtitipon o rally.

Paulit-ulit, iisa ang sigaw: katiwalian. May mali. Niloloko tayo.

Matagal na din akong buhay sa mundong ito para masabi kong hanggang sigaw na lang tayo.

Dahil paulit-ulit, nakakalusot. Napapatawad. Nalilimot.

Nitong mga nakaraang taon, mas madalas kong isipin: bakit ba ako Pilipino?

Natanong mo na rin ba ito sa sarili mo?

Nakakapagod na kasi.

Gusto mong lumaban ng patas, pero may hihila sa iyo. Kasi sarili nila ang iniisip nila.

Naging normal ang hindi tama; mistulang milagro ang kawang-gawa.

Pero alam mo kung ano ang napagtanto ko sa kwento ko sa iyo?

Palaging may pag-asa.

Pag-asang magsisimula sa akin, sa iyo, sa pamilya, sa pamayanan, sa komunidad, sa bansa.

Pag-asang sana, maisip natin ang kapakanan ng iba dahil pananagutan natin sila.

Pag-asang sana, managot ang masama at maituwid ang mali.

Umayos ng upo ang lalaking pulubi na nakita ko. Kumain siya ng mabuti.

Sa loob ng ilang minuto, alam kong hindi niya muna iisipin kung may magpapalimos sa kanya.

Sa mga oras na iyon, makakakain siya dahil may nagmalasakit. May nagbigay ng pag-asa.

May batas laban sa pagbibigay sa pulubi. May kanya-kanya din tayong opinyon tungkol sa dapat nang magbigay o hindi. Pero hindi ito pagi-imbita ng debate kung dapat bang magbigay sa pulubi o hindi.

Pagi-imbita ito ng panalangin na sana, dumating ang panahong wala nang ganitong kwento sa kalsada.

Matagal at malayong daan ang tatahakin. Pero kung kumikilos ng may pag-asa at may pananagutan (at may mananagot), posible.

This is an original Facebook post on September 21, 2025, the day of Baha sa Luneta and Trillion Peso March.

You May Also Like:

Taking the Lead

Taking the Lead

Have you ever been told to take the lead, yet you felt both thrilled and terrified?

read more

0 Comments